Chapter 6
by IceOnMyEyes
13:59,Dec 19,2020
ROSALINDA DELFIN
Natahimik ako bigla sa sinabi ng babae. Hindi lang natahimik. Natigilan at nagtataka akong natulala sa kanya.
Nagpapatawa ba siya? Paano naging batas iyon? Paano mo maaalis sa mundo ang magmahal? Paano mo mapipigilan ang taong magmahal? Paano mo magagawang magpakamatay dahil lang sa nagmahal ka?
Magtatanong pa sana ako sa dalawang babae, pero tumayo na ang dalawang kasama ko at naglakad na palabas ng veranda. Sinunod-sunod ko na lang ang pagsubo sa pagkain ko at uminom ng tubig bago tumakbo para mahabol sila.
Grabe! Bakit wala man lang lasa ang pagkain nila?
Bumalik lang kaming tatlo sa palapag namin at nagtungo sa aming kuwarto. Kung hindi pa nila binuksan ang ilaw sa loob ng kuwarto ay hindi ko pa malalaman na gabi na pala.
Marami pa ring mga katanungan ang pumapasok sa ulo ko kaya hindi ko alam kung anong oras at kung paano ako nakatulog pagkatapos kong maglinis ng katawan sa banyo.
Kinaumagahan, nagising ako dahil sa isang ingay. Napabalikwas ako ng bangon nang mapansin na iba ang kuwartong tinulugan ko kumpara sa aking kinalakihan.
Nagbalik sa aking isipan ang lahat ng nangyari kahapon at napabuntong hininga na lang ulit ako nang maalala na nandito nga pala ko sa taong 3100. . . Kung saan ang mga tao ay bawal magmahal.
"Kung ayaw mo maiwan ulit ay bilisan mo ng bumangon at ayusin mo na ang sarili mo. Pupunta tayo ngayon kay Señora Anafe para itanong kung saan parte ng bahay tayo maglilinis ngayong araw ng linggo."
Napalingon ako sa bandang kaliwa ko at nakita ko si Eduard na printeng nakaupo sa kanyang kama habang matalim ang matang nakatingin sa direksyon ko.
Ano na naman ba ang ginawa ko sa lalakeng 'to at parang galit na galit na naman sa akin?
Tumayo ako at nakapamewang na humarap sa kanya.
"Bakit ba parang lagi kayong galit? Haler! Uso po ang ngumiti at tumawa sa lugar namin kaya ipauso n'yo na rin dito. Malay ninyo ay sumikat pa kayo. Hahaha." Pagkatapos kong magsalita ay tumawa pa ko para malaman nila ang tawang sinasabi ko.
Baka kasi hindi nila alam. Nawala ang ngiti sa labi ko nang makita ang nakakunot nilang noo. Sabi ko nga eh. Hindi talaga sila nasabay sa uso. Sabi ko nga ay hindi uso ang pagtawa o pangiti sa kanila.
"Saan ba ang lugar ninyo?"
Tumingin ako sa direksyon ni Rhean na kasalukuyang nagbibihis dahil sa tanong niya.
Teka- Hindi ba siya nangangamba sa lalake naming kasama?!
Tumingin ako kay Eduard, pero parang balewala lang naman ang nakikita niyang babae na nakasuot lang ng panty at bra.
"Ah. . . Magbabanyo na ko!" Kumaripas na ko ng takbo papuntang banyo nang makitang tumayo na si Eduard.
Tiyak na iiwanan talaga nila ko kapag hindi pa ko kumilos. Isa pa, muntikan ko ng masabi ang lugar na pinanggalingan ko.
*
Tagaktak na ang pawis ko, pero hindi ko pa rin tapos linisin ang pagkalaki-laking banyo na ito. Kinikiskis ko na ngayon ang sahig ng banyo na gawa pa sa marmol. Sandali akong napasulyap sa dalawa kong kasama na halatang bihasa na sa trabahong inatas sa kanila.
Nakakainis talaga si Señora Anafe. Sa dinami-daming lugar sa mansion na p'wede naming linisin ay dito pa talaga sa banyo. Hindi naman sa nag-iinarte ako, pero sa buong buhay ko ay dito pa talaga ko magkakaroon ng karanasan maglinis ng banyo. Sa taong 3100 pa ha!
Buti na lang at patay na ko bago makaabot sa taon na ito kapag nakabalik na ko sa panahon ko. 'Yon ay kung makakabalik pa ko.
"Ah. . . Binibining Rhean at Ginoong Eduard, hindi rin ba uso dito ang pahinga?" Binalingan ko ng tingin ang dalawa kong kasama habang pinupunasan ang aking pawis gamit ang likod ng aking palad.
Tumigil sila sa kani-kanilang ginagawa at binalingan ako. Mapapangiti na sana ako dahil sa wakas ay magpapahinga na kami, pero tinitigan lang nila ko at muling bumalik sa kanilang ginagawa. Napapabuntong-hininga na lang din akong bumalik sa ginawa ko.
Ako si Rosalinda Delfin. Napunta sa taong 3100 kung saan ang mundo ay mayroon lamang iisang gobyerno, namumuhay sa makasaysayang pamamaraan, hindi marunong manalangin at magpasalamat sa Diyos, ang babae at lalake ay walang pakialam kahit pa kapwa sila hubo't-hubad sa harapan ng isa't-isa o matulog sa iisang kuwarto lamang at higit sa lahat, ang taon kung saan ang mga tao ay may iisang likas na batas na sinusunod, bawal ang magmahal.
Kailan pa natutunan ng mga tao ihiwalay ang pagmamahal at buhay? Kailan pa nila kinalimutan ang halaga ng pagmamahal sa bawat nilalang? Hanggang ilang taon pa ang lilipas para sundin ang batas na iyan? Anu-ano pa ba ang matutuklasan ko sa mundong ito?
Naisip ko tuloy, hindi lang pala ang kasaysayan ang mahalaga. Mahalaga rin ang nangyayari sa kasalukuyan dahil dito nakasalalay ang hinaharap, ang kahihinatnan ng mundo.
"Binibini, magpahinga na muna tayo bago maglinis ng katawan upang makakain na tayo ng pananghalian sa itaas."
Dahil sa sinabi ni Rhean ay kusa akong napabuntong hininga ng malalim. Buti naman at sinabi niya rin 'yon! Umupo silang dalawa sa isang mahabang upuan na kahoy sa gilid ng pintuan. Tumayo ako hawak-hawak ang laylayan ng saya ko at tumabi kay Rhean. Tama, ganito nga ang suot namin kahit naglilinis kami ng banyo. Tss.
"Oo nga pala, bukas ay tutungo ulit tayo sa opisina ni Señora Anafe dahil kukuhanin na 'tin sa kanya ang ating magiging trabaho para bukas."
Napalingon ako kay Eduard dahil sa pinahayag niya. Oo nga pala, nakatuloy pala ko sa mansion na ito dahil pumayag din akong magtrabaho dito.
Ano kayang klase na trabaho ang gagawin namin?
"Binibining Rosalinda, alam kong ito ang unang araw mo sa pagtatrabaho kaya sana naman ay hindi mo pasasakitin ang ulo namin sa kasusuway at kakapaalala ng mga dapat at hindi dapat gawin sa 'yo."
Nakasimangot akong lumingon kay Rhean at tiningnan kung nagbibiro lang siya sa kanyang sinabi, pero may nagbibiro bang nakasimangot ang mukha? Sabi ko nga, pabigat lang ako sa kanila.
"Sige. Makakaasa kayo na hindi ako aakto ng ikakasira ninyo." Napahinto ako sa pagsasalita nang may maalala akong itanong sa kanila. "Naalala ko lang, nasaan nga pala ang mga magulang ninyo? At paano kayo napunto sa lugar na ito?" Muli ko silang binalingan ng tingin at hinintay ang magiging sagot nila sa katanungan ko.
Nakaramdam ako ng kakaiba ng makitang pareho silang natigilan sa naging tanong ko.
"Ah, pasensiya na. Hindi ko nais ipaalala ang mapait na karanasan na nangyari sa inyo." Yumuko ako at kinagat ang aking ibabang labi upang pigilan ang aking sariling magsalita pa ulit.
Baliw ka talaga, Rosalinda! Hindi ba mas'yadong halata kung bakit sila nandito? Malamang ay wala na silang magulang at binubuhay na lang nila ang kanilang sarili.
"Teka, hindi na rin ba kayo pumapasok sa paaralan o eskwelahan?" Inangat ko ang aking paningin at muli silang tiningnan, pero nakita kong nakakunot na naman ang noo nila sa akin. Tila naguguluhan din sila sa pinagsasabi ko.
"Anong sinasabi mo, binibini? Wala kaming alam tungkol sa magulang at lalong-lalo na hindi namin alam ang tungkol sa eskwelahan o paaralan."
Dahil sa minungkahi ni Eduard ay ako naman ang naguluhan. Nadagdagan na naman ang mga tanong sa isipan ko.
Xi'an Perfect Planet Internet Technology Co., Ltd. (西安完美星球网络科技有限公司) © 2020 www.readmeapps.com All rights reserved