Chapter 7

by IceOnMyEyes 14:14,Dec 19,2020

ROSALINDA DELFIN

Nandito kami sa opisina ni Señora Anafe kung saan niya ko dinala nang unang araw ko pa lang dito. Hinihintay pa namin nina Eduard at Rhean dumating si Señora Anafe. Nabanggit sa akin kanina nina Rhean at Eduard na iba-iba raw ang trabaho na binibigay sa kanila ni Señora Anafe kada-araw. Wala naman daw akong dapat ipag-alala dahil magagaan lang naman daw ang inaatas sa kanila at hindi naman daw ito delikado para maging babala sa buhay ko.

Pero, hindi naman tungkol sa trabaho ang bumabagabag sa isipan ko ngayon kundi tungkol sa huli naming pag-uusap.

Dalawang bagay ang nabanggit ko sa kanila noon at ang dalawang bagay na 'yon ay napaka-imposible para sabihin nilang hindi nila alam ang tungkol doon.

Magulang at eskwelahan. . .

Unang-una sa lahat, hindi tayo mabubuhay kung wala tayong magulang, 'di ba? Tapos ang tungkol sa eskwelahan. Paano sila natuto sa mga bagay-bagay kung hindi sila napasok sa eskwelahan at hindi nila alam ang eskwelahan?

Nakakapagtaka talaga ang mundong ito. Nasa planetang Earth ba talaga ko? O nasa planetang Mars talaga ko ngayon?

Hala! Posible siguro dahil baka lumobo na ang populasyon sa planetang Earth at tinapon na kami sa mundong ito.

Napahawak ako sa aking bibig at napatingin sa dalawang katabi ko na nakakunot-noo na naman habang nakatingin sa direksyon ko ngayon.

"Sabihin ninyo, binibining Rhean at ginoong Eduard. Nasa planetang Mars ba tayo? Kaya ba ang daming pinagkaiba ng pamamahala dito sa mundong ito?" Hindi makapaniwalang tanong ko sa kanila. Napahawak pa ko sa aking bibig dahil sa ideya na patuloy na pumapasok sa aking isipan.

"Ano na naman ba 'yang kalokohan mo, binibining Rosalinda?" inis na usal sa akin ni Eduard sabay irap sa akin.

"Para sabihin ko sa 'yo, binibini ay nasa planetang Earth pa rin naman tayo." Bumuntong hininga sa akin si Rhean pagkatapos niya sagutin ang tanong ko.

"Gano'n ba? Hehe. Nagbibiro lamang ako sa aking winika. Ipagpaumanhin ninyo sana ang aking inasal, pero mayroon sana akong katanungan sa inyo. Kung hindi ninyo nga alam ang tungkol sa magulang ay paano pala kayo sinilang? Ang ibig kong sabihin ay paano kayo naging tao?" Tumingin ako kay Rhean upang siya ang sumagot sa tanong ko. Kumpara kasi kay Eduard, siya lang naman ang laging sumasagot sa akin ng matino.

Katulad ng una ko silang tanungin tungkol sa magulang nila, natigilan sila at natahimik. Pagkalipas ng ilang minuto ay sabay silang lumingon sa direksyon ko. Ngayon ko lang napansin na naguluhan na talaga sila sa tanong ko at wala na silang maisip na dahilan kung bakit.

"Isilang? Sa totoo lang, med'yo napapaisip kami sa iyong mga katanungan sapagkat wala kaming ideya o alaala tungkol sa sinabi mo. Basta, sa tuwing minumulat namin ang aming mga mata ay dito kami sa lugar na 'to at ginagawa ang mga bagay na pinag-uutos ng gobyerno. Wala naman kaming problema. Basta ay maayos ang pamumuhay namin."

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakakita ako ng isang expression mula sa mga mata ni Rhean.

Lungkot

Yan ang nakita ko sa kanya. Hindi ko tuloy maiwasang malungkot din kahit hindi ko mas'yadong naunawaan ang sinabi niya. Aba! Minsan lang sila nagpapakita ng emosyon kaya dapat hindi ko na palampasin pa, 'di ba? Kailangan kong makisabay sa kalungkutan niya.

"Teka, Binibining Rhean. Hindi kaya may amnesia lang kayo ng kapatid mo?" Napahawak ulit ako sa bibig ko at saka hinawakan si Rhean sa kanyang magkabilang balikat.

Posible ang sinabi ko dahil sabi niya ay wala raw siyang alaala, pero mukhang mali na naman ang naisip ko dahil inirapan ako ni Rhean at tinanggal ang dalawang kamay ko sa balikat niya. Bumalik na naman ang pagiging mataray at masungit niya.

"Tss. Kung anu-ano na naman ang pinagsasabi mo," usal niya pa at muli akong inirapan.

May sasabihin pa sana ako sa kanya, pero bumukas bigla ang pinto ng opisina at pumasok si Señora Anafe. Nakalimutan ko na kakausapin pa pala niya kami. Tuloy-tuloy siyang naglakad sa direksyon namin.

"Magandang hapon sa inyo," bati niya sa amin bago umupo sa kanyang upuan, sa harap ng pang-opisina niyang lamesa.

"Magandang hapon po sa inyo, Señora." bati rin namin sa kanya pagkatapos tumayo kami at yumuko sa kanya bilang paggalang.

"Maupo kayo."

"Maraming salamat po." Umupo na ulit kaming tatlo katulad ng sinabi ni Señora.

"Narito ang inyong magiging trabaho. Dahit ito ang unang beses na sasama sa inyo si Rosalinda, kayong dalawa- Rhean Maureen at James Eduard ang aagapay sa kanya. Hangga't maaari ay nais kong matapos ninyo 'yan ng maaga para wala tayong maging problema pagdating ng gabi." Inabot niya sa amin ang isang puting folder at kayumangging sobre.

Kinuha naman ito ni Eduard.

"Nasa puting folder nakalagay ang inyong magiging trabaho at nasa kayumangging sobre naman nakalagay ang pera na maaari ninyong magamit sa inyong trabaho pati na rin ang magiging suweldo ninyo sa trabahong ito. Kung may katanungan ka, Rosalinda ay maaari mong tanungin ang iyong mga kasama. Maaari na kayong umalis." Tinuro na niya ang pinto ng kanyang opisina kaya mabilis kaming tumayo at nagpaalam na sa kanya.

Grabe talaga siya! Ipapatanong na naman niya ko sa mga kasama kong isang walang kuwenta at isang malabo naman ang mga sagot. Hindi naman sa ayoko makasama sina Rhean at Eduard, pero kasi ay hindi talaga nila ko binibigyan ng matinong sagot. Baka maubos lang ang laway ko sa kanila. Pagkatapos ay sinusungitan pa nila ko. Kumusta naman ang buhay ko sa gano'n, hindi ba?

Nakarating kami sa aming kuwarto na walang nagsasalita ni isa sa amin. Hinihintay ko kasing buksan ni Eduard ang puting folder para malaman ko kung ano ang magiging trabaho namin. Hehe. Kaya lang napasimangot ako nang makitang sinilid na niya ang dalawang hawak sa kanyang bag na banig.

"Kung hinihintay mong buksan ang folder, matulog kana dahil bukas pa iyon bubuksan."

Napasimangot ako lalo sa sinabi ni Eduard. Nakakainis talaga ang lalakeng 'to!

"Teka- Matutulog na tayo, hapon pa lang?" Tumingin ako kay Rhean na nagpapalit na naman pala ng damit niya kahit nand'yan ang walang pakialam na si Eduard kasi alam ko siya lang naman ang med'yo maayos sumagot sa mga tanong ko.

"Oo, binibining Rosalinda. Dahil kung nakakalimutan mo ay may trabaho pa tayong gagawin para bukas." Nagtaray na naman ang boses ni Rhean sa akin habang inilulugay niya ang kanyang alon-alon na buhok bago humiga sa kanyang kama.

Tumango na lang ako at hinalukay ang aking gamit para kumuha ng damit at magtungo sa banyo para maglinis na ng katawan.

Pagbukas na pagkabukas ko pa lang ng gripo ay pumatak na agad ang mga luha ko. Ito ako kapag walang tao.

Sino bang hindi maiiyak sa sitwasyon ko ngayon? Napunta ako sa taong 3100 kung saan walang ibang nakakaalam ng totoo kundi sarili ko lang. Makakabalik pa kaya ko sa sarili kong mundo?

Ni hindi ko alam kung paano ako napunta sa lugar na ito. Ito na siguro ang parusa sa akin ng langit dahil gusto ko ng burahin ang pagmamahal noon sa mundo. Mukhang tinupad din nila ang kahilingan ko.

Pilit akong nagpapakatatag sa mundong ito kahit na gustong-gusto ko ng sumabog.

Kasaysayan, hinaharap o panaginip lang ito?

Alam ko ang sagot sa katanungan ko, pero nakakatakot talaga tanggapin ang katotohanan.

Download APP, continue reading

Chapters

55