Chapter 11

by IceOnMyEyes 17:35,Dec 20,2020


ROSALINDA DELFIN

Ilang araw na ang lumipas, pero hindi pa rin nawawala ang sakit ng ulo ko at ang init ng katawan ko dahil sa sugat ko sa aking balikat. Natanggal na naman nila ang bala, pero hindi pa rin ako nagiging ayos. Hindi ko alam kung paano na natanggal ang bala dahil tulog ako ng ginawa ng kung sino man ang bagay na 'yon.

Ang tungkol naman kay Rhean at Eduard, nagsasalitan sila sa pag-aalaga sa akin. Kapag nagpaiwan si Rhean ay nagtatrabaho si Eduard at kapag nagtrabaho naman si Rhean, si Eduard naman ang maiiwan para alagaan ako.

Sa ngayon, si Rhean ang nag-aalaga sa akin. Balot ako ng isang malaking kumot habang nakahiga sa aking kama at nakatingin sa direksyon ni Rhean na kasalukuyang nagbuburda ng kung ano sa kanyang damit. Ito yata ang libangan niya sa tuwing wala siyang ginagawa.

"Matulog ka at ipahinga mo ang iyong sarili kung wala ka ng ibang gagawin bukod sa pagtitig sa akin," usal ni Rhean ng hindi humihinto sa kanyang ginagawa at hindi lumilingon sa direksyon ko.

Napasimangot at napanguso ako sa sinabi niya.

"Buong maghapon na kong natutulog, Binibining Rhean. Hindi ko mapilit ang sarili kong matulog ulit." reklamo ko sa kanya.

Isa pa, nand'yan nga si Rhean, pero parang wala rin naman siya. Hindi naman niya ko kinakausap kung hindi kailangan at kung hindi ako magtanong sa kanya. Lalapitan lang din niya ko kapag tinitingnan niya ang kalusugan ko. Nakakainis pa dahil pareho sila ni Eduard ng sinasabi lagi. Baka raw kaya ako nabaril at nagkasakit dahil lumalabag daw ako sa batas. Lagi ko raw sinasabi na ayos lang ang magmahal at hindi iyon kasalanan kaya baka raw onti na lang ang nalalabi kong buhay sa mundo.

Hindi naman ako naniwala sa kanila dahil hindi naman ako taga-dito, pero hindi ko rin maiwasang kabahan lalo na ng may ikuwento sa akin si Eduard. Sinabi niya na iba't-iba raw ang klase ng pagpaparusa sa mga taong lumalabag sa batas.

May mga nagpapakamatay, pinapatay, aksidenteng namamatay o kaya naman ay nagkakaroon ng malubhang sakit at unti-onting namamatay.

Nakakapagtaka lang dahil ang lahat ng parusang sinabi ni Eduard ay hindi naman direktang ginawa ng sinasabi nilang nag-iisang namumuno sa buong mundo. Tinanong ko nga kung nakita na nila ang namumuno sa kanila dahil wala naman akong nakikitang TV o ano mang uri ng babasahin bukod sa mga guwardiya civil na maaari ng nakausap ang pinuno nila, pati na rin kung may nangyayari bang botohan sa tuwing magpapalit sila ng pinuno nila. Wala naman daw nangyayaring gano'n.

Hindi ko na tuloy alam kung anong klase ng misteryo pa ang matutuklasan ko sa mundong ito.

Nakakapagtaka na napapasunod niya ang lahat ng kanyang nasasakupan nang wala man lang protestante o tumututol sa pamamahala niya. Ni hindi nga nila alam kung anong pangalan ng taong namumuno sa kanila.

Nasa Earth kaya talaga ko? Ganito na ba kamangmang ang mga tao sa mundong ito?

"Binibining Rosalinda, ayos ka lamang ba?" Hindi ko namalayan na nasa harapan ko na pala si Rhean.

Nawala ako sa sarili ko kakaisip sa kung anu-anong bagay. Hinipo niya ang noo ko at saka siya tumingin sa kanyang relo.

"Med'yo bumaba na ang init sa katawan mo. Mabuti naman. D'yan ka muna at ipagluluto kita ng maaari mong makain." Tumayo na si Rhean at nagtungo sa maliit na kusina dito sa loob ng kuwartong tinutulugan namin.

Isang tango lang ang tinugon ko sa kanya bago siya tuluyang makaalis.

Isa pa, wala man lang silang pinapainom na gamot sa akin at tipikal na tradisyonal ang uri ng panggagamot nila. Paano ako gagaling niyan agad, 'di ba? Pero, may parte pa rin ng pagkatao ko ang masaya dahil kahit paano ay hindi naman sina Rhean at Eduard ang uri ng tao na talagang walang pakialam sa paligid nila. Sa tingin ko ay unti-onti na rin nilang natutunan mahalin ang kapwa nila. Kaya konting tulak ko na alangay p'wede na sila mapabilang sa tunay na tao.

Samantala, kasabay ang pagbalik ni Rhean dala ang isang mangkok ay bumukas din ang pinto ng kuwarto namin. Napalingon kami sa kakapasok lang na si Eduard na mukhang ang laki na naman ng problema sa mundo dahil sa sama ng mukha niya. Dire-diretso siyang naglakad patungo sa banyo. Nagkatinginan kaming dalawa ni Rhean at nagkibit-balikat lang siya sa akin bago umupo sa kama ko.

"Kainin mo ito at ubusin. May sasabihin ako sa iyo pagkatapos mong kumain."

Dahan-dahan akong umupo sa aking kama bago inabot ang dala niyang mangkok. Na-excite naman ako sa sinabi niya kaya halos hindi na ko makapaghintay na malaman ito.

"Ano 'yon, Rhean? Tungkol sa pagkain pala ay baka wala na namang lasa." Tiningnan ko ang laman ng mangkok at nakahinga ako ng maluwag nang makitang ordinaryong lugaw lang ito.

Buti naman at nakakita ako ng matinong pagkain.

"Yan ang niluto ko dahil mahilig ka sa mga kakaibang bagay." Matapos maibigay ni Rhean sa akin ang isang mangkok ng lugaw ay nilugay niya ang kanyang buhok at sinuklay ito gamit ang kamay niya.

Nakasimangot kong kinain ang lugaw. Pakiramdam ko alien na naman ang turing sa akin ni Rhean dahil sa sinabi niya. Hindi ba nila alam na sila alien sa paningin ko?

"Hindi naman sa gano'n, Binibining Rhean. Nagsasabi lang naman ako ng pawang katotohanan lang," reklamo ko pa sa kanya bago muling sumubo ng isang kutsarang lugaw.

Hindi na siya sumagot sa akin at sa halip ay inirapan na lamang niya ako. Pinagpatuloy ko na lang ang pagkain mo at nakisabay sa kanyang katahimikan. Matapos kumain ay inabot ko sa kanya ang mangkok na may ngiti sa aking labi.

"Maraming salamat sa pagkain, Binibining Rhean."

Walang expression niyang kinuha ang hawak kong mangkok. Akala ko ay tatayo na siya para magtungo sa kusina, pero nanatili lang siyang nakaupo sa aking kama. Tumingin siya sa akin nang wala pa ring expression.

"Ang tungkol sa ginawa mo pa lang pagligtas sa akin, ano. . . Maraming salamat din." Pagkatapos niyang sabihin ang mga katagang iyon ay mabilis siyang nag-iwas ng tingin sa akin at saka naglakad na palayo.

Hindi ko naman maitago ang ngiti sa aking labi nang marinig ang sinabi niya. Hindi ko alam kung bakit sa simpleng salita niyang iyon ay naramdaman ko agad na tumutubo na unti-onti ang bulaklak ng pag-ibig sa kanyang sistema.

Samantala, patayo na sana si Rhean nang biglang lumabas si Eduard sa banyo na nakashort lang at nagtungo sa aming direksyon ni Rhean.

"May namatay na naman kanina. Nakita ng dalawa kong mata. Malamang 'yon ay dahil sa pag-ibig na sinasabi mo, Binibining Rosalinda."

Natigilan ako sa balitang hatid ni Eduard. Pakiram ko ay nagtaasan ang balahibo ko simula sa paa hanggang sa ulo. Muntikan ko pang mabitiwan ang hawak kong mangkok na konting lugaw na lamang na natitira. Tumingin ako kay Eduard upang alamin kung nagsasabi ba siya ng totoo, pero seryoso ang mga mata niya habang nakatingin sa akin. Parang binabalaan nga rin niya ko sa mga titig niya kaya mas lalo akong nakaramdam ng takot. Nakaramdam ako ng kilabot hindi lang dahil sa sobrang lamig ng boses ni Eduard kundi dahil sa balitang sinambit niya. Isang imposible na sa tingin ko ay posible sa lugar na ito.

Bawal ba talaga ang magmahal?

Download APP, continue reading

Chapters

55